ang sanaysay na walang pamagat

Biglang bumuo ng isang haka-haka ang mapaglaro kong isipan at nakulong sa isang patibong na nagdulot sa akin ng pagkatulala. Kumalat hanggang sa mumunti kong ugat ng aking utak ang kamandag ng aking kamalayan. Isang kamalayan na magwawaksi at magbabago ng aking pananaw at magwawasto ng aking paniniwala na siyang magdudugtong sa pagbuo at pagtibay ng aking prinsipyo at dignidad.


Nais kong kalikutin ang bawat ugat sa aking utak at magbalik tanaw kung saan binusog ko ang aking kamangmangan – walang alam, walang kamuwang-muwang. Natanto ko na ito’y kapanahunan pa ng aking kamusmusan, ng pagiging walang karimlan. Masakit man tanggapin ngunit masarap gunitain. Banayag ko pa ang matatamis kong ngiti at hiyawan sa bawat masasayang tugtugin, ang mga kumukurot sa hapdi na mga sugat dahil sa kakulitan, at ang mga nakakaalarmang hagulhol sa tuwing may madadaanang tinik sa paglakbay. Aral at laro lamang ang inaatupag – walang pag-aalinlangan, walang pangamba, walang inaalala at balakid ay parang wala.

Habang patuloy sa pagdaloy ang kwento ng aking buhay, dahan-dahang nababahiran na ng dungis ang mga maseselang bahagi na siyang uukit at mumulat sa aking kaisipan. Unti-unti kong nakikita ang hubad na katotohanan na lantarang nagmamakaawa at naghihingalo. Hinay-hinay akong pinukaw ng kahirapan at salat. Maraming tao ang dumaan at maraming bagong mukha na masisilayan. Ngunit sa bawat nilalang na aking nakasalamuha, sila ang nagbigay daan sa akin upang mapalawak ang karunungan at magkalaman ang aking balintataw. Sila ang nagturo sa akin na siyang nagdulot sa ‘kin na unawain ang bagay-bagay at bigyang-diin o puwang ang salitang kahirapan. Maaaring mabaho ito para sa inyo ngunit isang napakasakit na insulto na nagpapasikip ng aking dibdib at isang penetensya. Nakita ko. Nadama ko. Ang mga maliliit na tao sa lipunan ay unti-unti nang nasasanay at nananatiling mahina upang sumagupa upang mabigyang katarungan ang kanilang pagkatao. Wala silang armas upang maligtas sila sa mapagmalabis at mapanganib, mapangmata at sakim na kapaligiran. Ang tanging karamay lamang ay ang tambakan ng basura na siyang bumubuhay at bubuhay sa kanila. Kung ating malalapatin, nasaan ang hustisya? Nasaan ang karapatang pantao na mamuhay na matiwasay? Maituturi pa ba silang tao?

Mabilis ang takbo ng oras wari’y isang daga na hinahabol ng isang dosenang pusakal. Nakikita ko na ang pangit na mukha ng malupit at mapaglarong daigdig at dahan-dahan na rin akong nanlalambot na harapin ang katotohanan. Magulo at napakamapanganib. Kasabwat ang palabirong buhay na umaakit sa akin na makipagharutan. Talaga namang maabilidad ang buhay. Di mo aasahan, biglang papalit siya ng mukha na minsa’y aantig ng iyong puso at minsa’y kukurot ng pinung-pino. Ngunit kinabog niya minsan ang aking halos bato na puso at patuloy sa pagkatok upang pagbuksan siya ng pinto. Mapanghusga at kahabag-habag. Ngunit nagulantang ako nang minsan nasaksihan ko ang mga makasarili na naghahalakhakan, nanlalait at nang-aabuso tila pag-aari nila ang mundo. Tunay nga naman karumal-dumal na ang nangyayari sa ating paligid. Sumisingaw na nga talaga ang baho ng kasamaan. Kung ating uusisain ang likod ng kanilang hiyawan at kasayahan, sarap na sarap sila sa paggasta ng kayamanan ng taumbayan. Walang alinlangan sundin ang layaw. Tunay ngang mapusok. Sila nga ba’y karapat-dapat na maghari at magwagi? Hindi nga ba sila nakakapanghinayang?

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

2 Response to "ang sanaysay na walang pamagat"

  1. nanaykrung says:
    January 28, 2008 at 11:37 PM

    nagsunggo ko...bow.

  2. Anonymous Says:
    February 3, 2008 at 7:20 PM

    whoa.. humanga ako sa mga salitang ginamit mo sa pagsulat ng sanaysay na ito.. talagang namangha ako at sa pamagat pa lamang eh nahulog na ang pangkalahatang pag-unawa ko.. magaling paul at nakagawa ka ng ganitong likha..

    humanga rin ako sa naging paksa mo.. may punto ang bawat linya.. at sa totoo lang, nakarelate ako sa mga linyang naghahayag ng pagmulat sa realidad at sa katotohanan ng buhay.. tila, yata yun talaga ang ginagawa ng buhay sa atin.. ginigisa tayo at ginagawang uling ang lahat sa ating paningin..

    pero paul, sana naman makita natin ang kagandahan ng buhay para naman mas lalo tayo ganahan sa pagtahak nito.. yun lang.. bow ako sayo.. haha..

Post a Comment